Sa inisyal na imbestigasyon ni Sr. Supt. Manuel Cobillo, acting Police Director ng Ormoc Police, nagsimula ang sunog dakong 4:45 ng hapon sa entrance ng Uni-Top department store matapos sumabog ang mga paputok na nakaimbak dito.
Ang naturang mall na itinulad umano ng may-ari nitong si Yeong Chong alyas Kenneth Tan sa 168 mall sa Divisoria ay nagbebenta ng mga paputok na gawa sa China at Taiwan sa murang halaga.
Bagaman may fire exits ang mall ay nakapadlock ito kaya hindi na nagawang makalabas ng mga biktima na pawang mga tindera at kustomer kaya nagtipon-tipon ang mga ito sa loob ng mga comfort room kung saan 23 sa mga bangkay ay doon nakuha.
"The charred bodies were very difficult to recognized. There were 23 of them. Some of the women victims were pregnant. Another victim was found alive and was rushed to the hospital but I was told the victim died while being treated," ayon pa sa opisyal.
Sinabi ni Cobillo na kasalukuyan nilang iniimbestigahan ang posibleng pananagutan ng may-ari ng establisimiyento upang masampahan ng kasong kriminal.
Hindi naman itinanggi at hindi rin kinumpirma ni Cobillo ang ulat na isang lalaking bumibili umano ng paputok ang nagsagawa ng pag-testing sa paputok na sumabog at tumama sa nakaimbak na paputok sa entrance ng naturang mall na siyang pinagmulan ng sunog kaya marami ang na-trap na mga biktima.
"Initial investigation pointed the source of the fire to cartons containing firecrackers piled near the main entrance of the one-storey Uni-Top Commercial store. It was also learned that the fire exits of the building was padlocked," ani Cobillo.
Sa kasalukuyan, umaabot sa P10-milyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy habang patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito. (Joy Cantos)