Sa dalawang pahinang resolusyon ng SC en banc, nagpalabas ito ng temporary restraining order (TRO) upang mapigilan ang implementasyon ng injunction order ni Manila Judge Mayra Garcia-Fernandez.
Noong Dis. 4, 2006 ay nag-isyu ng preliminary injunction si Fernandez sa kasong idinulog ng Kolonwel, isa sa mga natalong bidders sa Second Social Expenditure Management Project (SEMP2) ng World Bank na layong makabili ng mga libro sa Science, English at Social Studies para sa mga mag-aaral sa elementarya at high school.
Kapwa naman iginiit ng Vibal at ng Office of the Solicitor General (OSG) sa petisyong iniakyat sa Korte Suprema na maanomalya at may iregularidad sa naging kautusan ni Fernandez.
Binigyang-diin nila na hindi man lamang ito nagsagawa ng mga pagdinig upang marinig ang panig ng kabilang kampo bagkus ay agad na nag-isyu ng permanent injunction pabor sa Kolonwel.
Kasabay naman ng TRO na inilabas ng Mataas na Hukuman ay pinagkokomento rin nito ang Kolonwel at si Fernandez upang ipaliwanag ang kanilang panig.
Matatandaang naging kontrobersiyal ang textbook project nang ibunyag ni Sen. Panfilo Lacson ang ukol sa umanoy maanomalyang pagkapanalo ng Vibal Publishing sa bidding. (Ludy Bermudo)