2 patay kay Seniang, libu-libo inilikas

Dalawa katao ang nasawi habang umaabot sa 66,787 katao ang inilikas sa pananalasa ng bagyong Seniang na ang sentro ay sa Central at Eastern Visayas Region.

Sa isang press briefing sa Camp Aguinaldo, sinabi ni National Disaster Coordinating Council (NDCC) Executive Director Glenn Rabonza isang 13-anyos ang namatay sa Tacloban City, Leyte at isa rin sa Roxas City, Capiz.

Dalawa ang nasugatan, isa rito ay nadaganan ng nabuwal na puno sa Tanauan, Leyte at isa pa sa Tacloban City.

Ayon kay Rabonza, walang kuryente sa Tacloban City, Eastern Samar, Bantayan Island sa Northern Cebu kung saan ang bilang ng mga nasawi at nasugatan ay maaring madagdagan pa bunsod ng pagkasira ng mga communication lines.

Signal number 3 sa Romblon, Southern Occidental Mindoro, Southern Oriental Mindoro, Capiz, Aklan; Northern Antique at Calamian Group. 

Signal no.2 sa Masbate, Burias Island, kabuuan ng Mindoro at Marinduque, Cuyo Island at kabuuan ng Antique at Iloilo samantala no. 1 sa Catanduanes, Albay, Sorsogon, Camarines Sur, Southern Quezon, Batangas, Lubang Island, Northern Palawan, Negros Occ. Negros Or., Guimaras, Cebu, Leyte, Biliran Island, Western Samar, Northern Samar at Eastern Samar.

Sinabi ni Rabonza na may 12, 921 pamilya o kabuuang 66,787 katao ang naapektuhan at inilikas mula sa Regions V, VII at VIII.

Inaabisuhan na ang mga residente na naninirahan sa mababang lugar na mag-ingat sa flashflood at landslides.

Gayundin ang mga naninirahan malapit sa bisinidad ng mga aktibong bulkan na kinabibilangan ng Bulusan, Kanlaon, Pinatubo, Mayon at Hibok-Hibok bunsod ng posibleng mudflows. (Joy Cantos)

Show comments