Itoy makaraang mabisto ang kakulangan ng kahandaan ng CICC dahil matapos ang malakas na buhos ng ulan bunsod ng bagyong Seniang, binaha ang ilang bahagi ng loob ng gusali partikular na ang receiving area.
Bumulaga rin sa paningin ng mga papaalis na mga bisita ang mga balde at tabo sa mismong main entrance ng itinuturing na "world class" convention center na ginawang panahod sa tumutulong bubong ng gusali.
Maging ang red carpeted na ikalawang palapag ng gusali ay hindi nakaligtas sa pagkakabasa sa tulo ng ulan kaya naging abala ang mga janitor sa pagpunas at pagwalis ng tubig sa main lobby at ilan pang bahagi ng gusali.
"Mabuti na lamang ay hindi natuloy ang ASEAN Summit kundi baka may prime minister na madulas at mabagok ang ulo, mas malaking eskandalo at kahihiyan nating mga Pinoy," pahayag ng isa sa mga janitor.
Nabatid na tatlong buwan pa lamang ginawa ang nagkakahalaga ng $10 million gusali ng CICC at minadali lamang ito para habulin sana ang nakatakdang pagdaos ng summit na kinansela naman at iniurong sa Enero 2007. (Rose Tamayo-Tesoro)