Nakasaad sa manifestation na nagkasundo na ang gobyerno ng Pilipinas at Amerika sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA).
Ang kasunduan ay sinasabing pirmado nina US Ambassador to the Philippines Kristie Kenney at Zuno.
Nakasaad sa tratado na ang sino mang sundalo ng US na convicted sa ano mang uri ng kriminalidad na hindi pa pinal ang hatol sa kinakaharap na kaso ay marapat na ang embahada ng Amerika ang siyang may kustodiya.
Bago nabuo ang written agreement ng dalawang opisyal ay sinasabing nakipagpulong muna si Kenney kay DFA Secretary Alberto Romulo kung saan iginiit ang tratado sa VFA.
Kinuwestiyon ni Judge Pozon ang kapangyarihan ni Zuno na lumagda sa isang liham na nagpapahayag na may kasunduan na ang Amerika at Pilipinas kaugnay sa usapin.
Sinabi ni Pozon na kanya lamang kikilalanin ang naturang liham kung ang lumagda ritoy ang kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) o ang kalihim ng Department of Justice (DOJ).
Gayunman, naglabas pa rin ng isang pahinang notice of hearing si Pozon sa Lunes.
Napikon naman si Justice Secretary Raul Gonzalez sa hindi pagkilala ni Pozon sa lagda ni Zuno.
Nanindigan ang kalihim na hindi maaaring balewalain ni Pozon ang VFA dahil itoy isang kasunduan na inaprubahan ng Kongreso.
Nangangamba rin si Gonzalez na maaaring magsampa ng diplomatic protest ang US sakaling hindi tumalima si Judge Pozon sa VFA na tiyak aniyang magreresulta ng hindi magandang relasyon ng dalawang bansa.
Iginiit pa ng kalihim na mistulang siya ang napapahiya sa ginagawa ni Pozon dahil siya mismo ang humaharap sa mga opisyal ng Estados na nakikipagnegosasyon sa Pilipinas para sa kustodiya ni Smith.
Binigyang-diin pa rin ni Gonzalez na hindi na kinakailangan na siya ang pumirma ng pagsang-ayon ng DOJ sa naging kahilingan ng US. (Lordeth Bonilla/Grace dela Cruz/Mer Layson)