Sa kanyang privilege speech sa Senado, sinabi ni Sen. Santiago na hindi dapat maging limitado sa apat na senior justices ng Korte Suprema ang maging shortlist ng nominasyon ng JBC.
Tanging sina Sr. Asso. Justice Reynato Puno, Asso. Justice Leonardo Quisumbing, Asso. Justices Angelina Sandoval-Gutierrez at Consuelo Ynares-Santiago ang inirekomenda ng JBC.
Sa ginawang botohan, nagkamit ng tig-7 boto sina Puno at Quisumbing habang tig-6 sina Gutierrez at Ynares-Santiago.
Bigo namang makakuha ng higit sa apat na boto sina Asso. Justice Antonio Carpio at Sen. Santiago.
Malaki ang hinala ni Sen. Santiago na mayroong kinalaman si Justice Panganiban sa pagkawala ng kanyang pangalan para manggaling sa kanilang (Panganiban) grupo ang susunod na chief justice.
Hindi naniniwala ang senadora na walang bumotong miyembro ng JBC para sa kanya.
Ayon naman kay Justice Secretary Raul Gonzalez, hanggang sa huli ay tinangka niyang ipaglaban na maisumite na lang lahat ang anim na pangalan kay Pangulong Arroyo pero hindi siya nagtagumpay.
Nagdesisyon din aniya ang mga miyembro ng JBC na tuluyan nang huwag magsagawa ng panel interview sa mga aspirante kahit pa tutol dito si Sen. Francis Pangilinan na isa sa miyembro ng JBC.
Ang apat na napasama sa listahan ng JBC at posibleng maging susunod na Punong Mahistrado ng bansa. (Rudy Andal/Grace dela Cruz)