FG sumailalim sa ‘angioplasty’

Sumailalim kahapon sa "angioplasty procedure" si First Gentleman Mike Arroyo kung saan pinaluwag ang mga baradong ugat sa kanyang puso para makadaloy ng maayos ang dugo sa kanyang katawan.

Kinumpirma ni Dr. Juliet Cervantes, personal physician ng First Couple, na isinagawa ang angioplasty sa St. Luke’s Medical Center, Quezon Ciy dakong 6:30 ng umaga na umabot ng isang oras.

Ayon kay Cervantes, pinanood pa ng Pangulo at mga anak ang ginawang procedure sa Unang Ginoo sa pamamagitan ng isang monitor at natuwa naman ang mga ito sa matagumpay na pagsasagawa ng procedure.

Ipinaliwanag ni Cervantes na hindi na kailangan pang ipasailalim ang Unang Ginoo sa bypass operation o open-heart surgery dahil ang kondisyon ng kanyang puso ay hindi naman malala.

Bukas ay inaasahang makakalabas na ng ospital si Ginoong Arroyo para sumama sa Pangulo sa pagdalo sa ASEAN Summit sa Cebu. (Ellen Fernando)

Show comments