Sa panayam ng dzBB kay Legazpi City, Albay Mayor Noel Rosario, ilang punerarya na sa Legazpi City ang halos mag-umapaw sa dami ng mga nasawi sa mudslides sa Bicol dulot ng bagyong Reming noong Biyernes.
Nagtulung-tulong na rin ang mga residente sa paggawa ng mga ataul upang mailagay sa ayos ang mga patay na nakatiwangwang sa mga lansangan.
Malaki ang paniwala ng pamunuan ng National Disaster Coordinating Council (NDCC) na wala nang survivors sa naganap na pagragasa ng putik mula sa bulkang Mayon noong kasagsagan ng pag-uulan.
Ayon kay Dr. Anthony Golez ng NDCC, retrieval na lamang ang pawang ginagawa ng ahensiya dito subalit hanggang sa kasalukuyan ay wala na silang makita pang mga labi ng mga taong sinasabing patuloy na nawawala hanggang sa kasalukuyan.
Sinasabing umakyat na sa 1,000 ang bilang ng mga namatay at umaabot naman sa 300 katao ang patuloy na nawawala at hanggang sa kasalukuyan ay hindi makita.
Sa isang pahayag, sinabi naman ni Philippine Volcanology and Seismology Director Renato Solidum na mahihirapan na ang retrieval teams na makita pa ang mga nawawalang residente sa nabanggit na mga rehiyon dahil sa malamang na natabunan na ang mga ito ng makakapal na putik na humalo sa tubig-ulan noong panahon ng pagbayo ni Reming. Gayunman, umaasa pa rin ang mga awtoridad na makakita pa sila ng buhay, kundi man ay mga bangkay.
Nabatid na gagamit ang Army ng mga sniffing dogs sa search and retrieval. Naging mabagal ang retrieval operations dahil ang daan patungo sa mga apektadong lugar ay hindi na mapasok bunga ng mga nakahambalang na mga naglalakihang bato.
Samantala, nanawagan ang mga residente ng tulong na pagkain, tubig, gamot, damit, kumot.
Nabatid na nagkakaubusan na ng pangunahing bilihin sa mga tindahan kaya nagpa-panic buying na ang mga tao sa pagbili ng tubig at kandila. Hanggang ngayon kasi ay wala pang kuryente sa malaking bahagi ng Bicol.
Maging mga patay na hayop ay kinakain na ng mga residente dahil na rin sa matinding gutom. Hanggang ngayon anila ay wala pang dumarating na tulong mula sa national government.
Bagamat masakit, unti-unti nang tinanggap ng mga kaanak ang sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay. Ang importante ngayon para sa kanila ay matagpuan at mabigyan ng disenteng libing ang mga ito.