Mangangahulugan ito na mananatili hanggang Nobyembre ang termino ng mga senador, kongresista at mga local government officials na dapat ay magtatapos sa Hunyo 30.
Awtomatiko namang magiging miyembro ng bubuuing interim parliament ang mga senador na sa 2010 pa magtatapos ang termino.
Sa bagong parliament ay magkakaroon ng 32 regional representatives, 22 party list members at 212 district representatives.
Inaasahang isasalang sa plenaryo ng Kamara sa susunod na linggo ang mabubuong proposed amendments na magiging hudyat sa debatihan sa Chacha.
Maaari naman umanong magkaroon ng plebisito sa Pebrero kung maaprubahan ng 3/4 ng lahat ng mga miyembro ng Kongreso bago magbakasyon sa Disyembre 22 ang panukalang Chacha.
Tatanungin ang mga botante sa gagawing plebisito kung pabor siya sa mga probisyon ng Konstitusyon na ipinapanukalang baguhin o palitan.
Pangunahing layunin ng pag-amyenda ang pagpapalit ng porma ng gobyerno mula presidential tungong parliamentary.
Nais ng administrasyon na maidaos ang plebisito bago Pebrero 12 na siyang huling araw para sa paghaharap ng certificate of candidacy ng mga senador sa halalan sa 2007.
Ayon naman kay Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., balak ng administrasyon na bumuo ng Interim Parliament, na kinabibilangan ng 236 incumbent congressmen at 23 Senador, para matiyak na kontrolado nito ang lehislatura.
Pinayuhan naman ni Sen. Joker Arroyo ang mga kongresista na umuwi na lang sa kanilang mga lalawigan o lugar at mangampanya dahil hindi naman nila pwedeng ipagpaliban ang 2007 elections dahil ito ang nakasaad sa saligang-batas. (Malou Escudero, Lilia Tolentino At Rudy Andal)