Babae nahulihan ng 200 gramo shabu sa bra

Isang babaeng pasahero ang inaresto kahapon ng mga tauhan ng PNP-Aviation Security Group makaraang mahulihan ng 200 gramo ng shabu na nakatago sa suot nitong bra at panty sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Centennial Terminal 2.

Kinilala ni ret. Gen. Angel Atutubo, asst. general manager for security ng NAIA, ang suspek na si Marilyn Bohol na pasakay sana sa PAL flight PR 187 patungong Cotabato City ng pigilan ng mga awtoridad dakong 8:35 ng umaga.

Si Bohol ay ipinagkanulo umano ng kanyang kakaibang ikinikilos habang nagsasagawa ng profiling sa mga umaalis na pasahero dahilan para imbitahan siya at isailalim sa "full body check" sa departure area.

"Security personnel manning the domestic airport has observed Bohol to be anxious while lining up for the normal body search at the final departure area," ani Atutubo.

Nakuha kay Bohol ang dalawang plastic sachet ng shabu sa kanyang dibdib na nakasiksik sa bra habang ang dalawang piraso naman ay nakita sa loob ng kanyang suot na panty na nakabalot sa isang itim na medyas.

Pinaniniwalaan ng pulisya na posible umanong "courier" ng provincial based drug syndicate si Bohol.

Nakatakdang sampahan ng kasong pag-iingat ng ilegal na droga si Bohol. (Butch Quejada)

Show comments