Sa kanyang privilege speech, hinikayat ni Barbers na imbestigahan ng Kongreso ang kuwestiyonableng pagkaka-release ng mga detainees na sina Zhang Du, isang Chinese national at Vo Van Duc, isang Vietnamese national ng walang kaukulang papeles mula sa korte, National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP).
Ayon sa pagbubunyag ni Barbers, si Zang Du ay isang detainee at nahaharap sa kasong kidnapping for ransom at mga pekeng papeles ang iprenisenta nito sa guard na nag-release at nag-escort sa kanya para makatakas.
Ang labis na nakapagtataka pa aniya, ang pagre-release kay Zhang ay ginawa noong Mayo 7, 2005, araw ng Sabado, alas-6 ng umaga.
Tatlong Commissioners naman umano ang nag-utos ng deportasyon ni Vo Van Duc kahit na wala pa itong clearance mula sa korte, NBI at PNP.
Malaki aniya ang dapat ipaliwanag ng mga opisyal ng BID dahil ayon sa ulat ng PNP, si Vo Van Duc ay sangkot sa terrorist plots at naaresto ito noong 2001 dahil sa possession ng explosives.
Nakapagtataka din aniya na nagkaroon ng Philippine passport si Duc at mabilis itong nakalabas ng bansa.
"Malaya na, Pilipino pa. Nasaan kaya siya ngayon? Sigurado ako, nasaan ka man Vo Van Duc, masaya ka ngayon, maybe poorer by several millions, but free nonetheless," ani Barbers.
Ipinaalala rin ni Barbers na kamakailan lamang ay nahatulan ng Sandiganbayan si dating Immigration Commissioner Zafiro Respicio dahil sa ilegal na deportasyon sa eleven Little Indians 12 taon na ang nakakaraan. (Malou Escudero)