Ang tinangkang arestuhin sa New Executive Building (NEB) sa Malacañang ay si Business Mirror reporter Romina "Mia" Gonzales na vice-president for print ng Malacañang Press Corps.
Batay sa logbook, bandang alas-10:07 ng umaga kahapon ng magtungo sa NEB ang isang Jessie Manalang ng MPD kasama ang ilan pang pulis pero umalis din ang mga ito dakong 10:30 am nang hindi dumating ang hinihintay nilang si Ms. Gonzales na pakay ng kanilang arrest warrant.
Ang kasong libel ni Gonzales ay isinampa ni Mr. Arroyo dahil sa artikulo nitong lumabas sa Newsbreak magazine noong Hunyo 7, 2004 na may pamagat na "Will She Now Change?"
Binatikos naman ng Malacañang Press Corps at National Union of Journalists of the Philippines ang tangkang pag-aresto kay Gonzales dahil sa kawalan nito ng koordinasyon sa Office of the Press Secretary (OPS) at tahasang paglabag sa kalayaan sa pamamahayag.
Itinanggi naman ng abogado ni FG Mike na si Atty. Ruy Rondain na mayroong kinalaman ang Unang Ginoo sa tangkang pag-aresto sa premyadong mamamahayag na isa ring Palanca awardee.
"If anybody is to blamed for whatever inconvenience she may have had, its Ms. Gonzales herself. She wrote the libelous articles and maligned the reputation of the First Gentleman. So she should be brave enough to face the consequences," wika pa ni Atty. Rondain. (Lilia Tolentino)