Itoy kasunod ng pagkakadukot sa apat na Pilipino sa Xiamen.
Ayon kay Consul General Emelinda Lee-Pineda, nabiktima ng kidnap-for-ransom syndicate ang isang mag-asawa mula sa Marawi City noong Oct. 17, 2006, ngunit masuwerteng nakatakas nitong Nob. 5.
Isang Ailyn na nakikila ng mag-asawa sa Baclaran, Pasay City ang humikayat sa mga huli na pumunta sa Xiamen upang doon mamili ng murang cellular phones para sa kanilang negosyo. Hindi umano sukat-akalain ng mga biktima na may balak palang kidnapin sila ni Ailyn at ng kontak nito sa China.
Sa kuwento ng mag-asawa na itinago ang mga pangalan, dumating sila sa Xiamen noong Okt. 17 at sinundo ng isang lalaking nagpakilalang pinsan ni Ailyn.
Dinala sila sa isang lugar kung saan sila kinatagpo ni Ailyn at isa pang lalaki. Kinuha ng mga suspek ang passport ng mag-asawa, cellphones at perang umaabot sa $3,000. Humingi ng P2,500,000 ransom money sa mag-asawa si Ailyn para sa kanilang kalayaan at nagbanta na papatayin sila at kanilang pamilya sa Pilipinas kapag hindi sila nagbigay.
Nakatakas lamang ang mag-asawa nang malingat ang mga nagbabantay sa kanila hanggang sa makahanap sila ng paraan na makontak ang Konsulado ng Pilipinas sa China na tumulong sa pagpapa-uwi sa kanila sa bansa.
Samantala, isa ring mag-ama ang iniulat na may kahalintulad na karanasan sa China. Nagpunta sa China ang mag-ama sa tulong ng mag-asawang Fil-Chinese para ipakasal ang Pinay sa isang pamangkin umano ng mag-asawa. Pero nadiskubre ng mag-ama na may kapansanan sa pag-iisip ang groom-to-be kaya tumanggi itong magpakasal.
Kinulong ang mag-ama at kinuha ang kanilang mga pasaporte saka hiningan ng P1,500,000 kapalit ng kanilang kalayaan.
Tinawagan din ng mag-asawang Tsinoy ang ina ng Pinay sa bansa at binalaan na papatayin ang huli kung hindi ito magpapakasal at uupa din umano ang mga suspek ng mga killer para patayin ang lahat ng miyembro ng pamilya ng mag-ama sa Pilipinas. (Rose Tamayo-Tesoro)