Ayon kay Justice Sec. Raul Gonzalez, obligado ang senador na sumailalim sa naturang pagsusuri dahil requirement ito sa lahat ng aspirante sa pagka-Chief Justice upang matiyak na nasa tamang pag-iisip ang mga papasok na judge, associate judges at chief justice.
Nilinaw ni Gonzalez na salig sa rule 6 section 2 ng JBC rules, "the applicants shall submit to psychological and psychiatric tests to be conducted by the Supreme Court medical clinic or by a psychologist and/or psychiatrist duly accredited by the council."
Tutukuyin din ng JBC kung posibleng mabigyan na lamang na waiver o ma-exempt sa nabanggit na pagsusuri si Santiago dahil sa mga posisyon na hinahawakan nito bilang senador ng bansa.
Gayunman, naniniwala si Gonzalez na dapat sundin ang nasabing probisyon. Handa naman si Santiago na magpasuri.
Bukod sa senador, kabilang sa mga kandidato sa babakantehing puwesto ni Artemio Panganiban sina Senior Associate Justice Reynato Puno at Associate Justices Leonaro Quisumbing, Angelina Sandoval Gutierrez, Alicia Austria Martinez at Antonio Carpio. (Grace dela Cruz)