Sa ginanap na Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC), sinabi ni Presidential Adviser on Political Affairs Secretary Gabriel Claudio na dapat nang kumilos ang Kamara matapos mabigo ang Pangulo na makuha ang suporta ng Senado sa itinutulak na ConAss.
Ani Claudio, bagaman naghain si Sen. Juan Ponce Enrile ng sarili nitong ConAss resolution, iba ito sa ConAss ng House.
Sinabi ni Claudio na kung hindi ito maisasakatuparan ng Kamara magsisimula na ang namumunong partido na pumili ng mga kandidato nito para sa May 2007 elections.
Ayon naman kay Anakpawis Rep. Crispin Beltran, lalo lamang inilalayo ng Kongreso ang sarili mula sa mamamayan sa patuloy na pagsusulong nito ng Charter change.
Sinabi ni Beltran na kahit anong gawin at gaano man kalaki ang determinasyon ng mayorya sa pagsusulong ng Chacha sa pamamagitan ng Constituent Assembly, mabibigo lamang ito.
Hindi aniya solusyon sa mga problema at krisis sa bansa ang Charter change kundi lalo pa nitong palalalain ang sitwasyon.
Tinanong pa nito kung masisiguro ng Chacha ang pagkakaroon ng trabaho sa maraming Pilipino, mataas na sahod at lupang sakahan para sa mga magsasaka.
Maliwanag aniya na nais lamang ng mga nakaupo sa Malacañang na manatili sa puwesto kaya nais amiyendahan ang Konstitusyon.