Ayon kay Press Secretary at Presidential Spokesman Ignacio Bunye, posibleng gumawa ng hakbang ang mga JI bilang simpatya sa sinapit na sentensiya ni Saddam mula sa Iraqi High Tribunal.
Dahil dito, hiniling ni Presidential Chief of Staff Mike Defensor sa mga awtoridad na maging alerto sa magiging reaksyon ng mga teroristang JI na umanoy nasa Mindanao.
"They may cause problem, they may cause situation for us, but of course our security officers are aware of this at bantay-sarado sila sa mga pangyayaring ito," wika pa ni Sec. Defensor.
Ipinaliwanag pa ni Defensor, wala siyang nakikitang magiging problema sa mga Filipino Muslim pero ang dapat aniyang tutukan ng mga awtoridad ay ang mga teroristang JI na maaaring makisimpatiya sa naging desisyon ng korte kay Saddam.
Bukod kay Saddam, hinatulan din ng kamatayan sa pamamagitan ng bigti ang kanyang half-brother at dating intelligence chief na si Barzan Ibrahim at si Awad Hamed al-Bandar na dating pinuno ng Revolutionary Court.
Ibinaba kamakalawa ni Chief Judge Raouf Abdul-Rahman ang hatol kay Saddam dahil sa kaso nitong crimes against humanity.
Binigyan ng korte ng 10 araw ang kampo ni Saddam para umapela habang ipapatupad ang hatol na bitay 30 araw pagkatapos pag-aralan ang isasampang petisyon. (Lilia Tolentino)