Rollback uli sa LPG

Nagbaba ng panibagong 50 sentimo kada kilo o P5.50 kada tangke ng Liquified Petroleum Gas(LPG) ang Liquified Petroleum Gas Marketers Association (LPGMA)dahil sa patuloy ng pagbaba ng presyo nito sa world market.

Dakong alas 12:01 ng madaling araw kahapon ng umpisahan ang panibagong price adjustment sa presyo ng LPG ng LPGMA.

Ayon kay  Arnel Ty, Presidente ng LPGMA, kung patuloy ang ganitong trend sa bentahan sa pandaigdigang pamilihan ay posibleng umabot na lang sa P400 ang presyo nito pagdating ng buwan ng Disyembre.

Sa ngayon ay naglalaro pa sa P440 hanggang P470 ang presyo ng 11 kg na tangke ng LPG sa local na pamilihan.

Ito na ang ika P7.50 kada kilong rollback na ginawa ng grupo ni Ty sa presyo ng LPG mula pa noong buwan ng Agosto at kung matutupad ang P2.50 kada kilo ngayong buwan ng Nobyembre ay aabot na sa P10 kada kilo o P110 kada 11 kg na tangke ang ibababa ng presyo ng cooking gas.

Samantala hindi pa nagpapahayag ang iba pang kompanya ng langis upang i-rollback ang presyo ng kanilang produktong LPG. (Edwin Balasa)

Show comments