176 Pinoy sa Kazakhstan uuwi na

Nagpasyang umuwi sa bansa ang may 176 Filipino oil workers dahil sa labis na pangamba sa kanilang seguridad sa Tengiz, Kazakhstan.

Ayon sa ulat, unang hiniling ng 176 Pinoy oil workers na bigyan sila ng hazard pay para sa pagpapanatili ng mga ito, subalit sa kalaunan ay nagpahayag ang mga ito ng kagustuhang umuwi na lamang sa Pilipinas.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), mula noong Sabado ay wala ng iniuulat na nangyaring kaguluhan doon, kasabay ng pagpakalat ng 300 security personel sa oil field na ipinadala ng Kazakh government.

Nakipagpulong na rin si Consul General Agnes Cervantes noong Linggo sa mga opisyales ng pamahalaan doon para matiyak ang seguridad ng mga Pinoy workers.

Ibinukod na rin umano ng quarters ang mga OFWs at hindi na pinapayagan ang mga ito na makihalo sa ibang nationalities upang mailayo sila sa kaguluhan.

Sumiklab ang kaguluhan sa oil field sa Tengiz, Kazakhstan nang magkaroon ng riot noong nakaraang linggo sa pagitan ng Kazakh at Turkish oil workers dahilan upang malagay sa balag ng alanganin ang seguridad ng iba pang nationalities na kinabibilangan ng mga Pinoy oil workers. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments