Inihayag ni Solicitor General Eduardo Nachura na ang pagbabasehan ng mosyon ay hindi ang bilang ng boto ng mga mahistrado kundi ang katotohanang mahigit sa 6 milyong mamamayan na lumagda sa PI.
Una nang sinabi ni Pangulong Arroyo na ipinauubaya na ng Palasyo sa Sigaw ng Bayan at ULAP (Union of Local Authorities of the Philippines) ang paghahain ng mosyon sa naging desisyon ng korte.
Kahapon ay pinuri ng Sigaw at local officials na kabilang sa ULAP si Senior Associate Justice Reynato Puno at anim pang mahistrado sa kanilang statemanship, tapang at pananaw sa pagsagawa ng Peoples Initiative para sa pagsusog sa Konstitusyon.
Sa ngalan ng 6.3 milyong mga pumirma sa petisyon na nananawagan ng pagbabago mula sa bicameral presidential tungo sa sistema ng unicameral parliamentary, sinabi ng spokesman ng Sigaw na si Atty. Raul Lambino na si Justice Puno at ang anim niyang kasamahang tinawag na "Magnificent 7" ay nagpakita ng "unquestionable statemanship, courage and wisdom" sa kabila ng "undue partisan political pressure" mula sa oposisyon.
"I believe that in deciding to uphold the Peoples Initiative, they (Puno et al) saw the light, the real truth that the decades-long clamor of the people for meaningful changes were genuinely embodied in those 6.3 million verified signatures we submitted to the Commission on Elections," ani Lambino.
Maliban kay Puno, ang iba pang bumoto ng pabor sa petisyon para sa Peoples Initiative ay sina Associate Justices Leonardo Quisumbing, Renato Corona, Dante Tinga, Cancio Garcia, Minita Chico Nazario at Presbitero Velasco, Jr.
Saludo rin sa "Magnificent 7" sina Binalonan, Pangasinan Mayor Ramon Guico, Jr, national president ng League of Municipalities of the Philippines; Puerto Princesa City Mayor Edward Hagedorn, chairman ng League of Cities of the Philippines; Nueva Ecija Gov. Tomas Joson, executive vice president ng League of Provinces, at Mandaue City councilor Carlo Fortuna, president ng Philippine Councilors League. (Lilia Tolentino)