Nabatid na pinigil ni Navy Flag-Officer-in-Command Vice Admiral Mateo Mayuga na mailipat sa Fort San Felipe, Cavite City sina Colonels Ariel Querubin, Januario Caringal at Lt. Colonels Custodio Parcon, Achilles Segumalian, Orlando de Leon, at Armando Bañez.
Sa halip ang anim ay dadalhin sa Philippine Marines Detention Center sa Fort Bonifacio, may ilang metro ang layo mula sa Bonifacio Naval Station (BNS) staff house na siyang dating pinagkulungan sa mga ito.
Ayon sa ilang opisyal ng Marines na tumangging magpabanggit ng pangalan posibleng mauwi muli sa panibagong pag-aaklas sa kanilang hanay kung ililipat ang anim sa 13 opisyal na sangkot sa standoff noong Pebrero 26 at bigong kudeta noong Pebrero 24.
Nabalitang planong itakas ang anim na Marine officers nitong Martes ng gabi kaya ipinag-utos ni AFP Chief of Staff Gen. Hermogenes Esperon ang paglilipat sa mga ito ng kulungan sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal pero kinontra ito ni Mayuga at iminungkahi na sa naval station na lamang sa Fort San Felipe ang mga ito ikulong.
Nabatid na bagaman si Esperon ang chief of staff ay mas senior rito ng isang taon si Mayuga na produkto ng Phil. Military Academy (PMA) Class 1973. (Joy Cantos)