Nanindigan si Pangulong Arroyo na ang Chacha ang susi para maging first world ang Pilipinas sa loob ng 20 taon. Hindi anya uusad ang bansa kung patuloy na mananaig ang maruming uri ng pulitika na nangyayari ngayon.
Pero hindi na makikilahok ang gobyerno sa paghahain ng motion for reconsideration at ipinauubaya na niya sa Sigaw ng Bayan at Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) ang pagsasampa nito.
Sa ngayon, ang Con-Ass ang siyang nakikitang huling option ng administrasyon at ito ang magiging top agenda ng Lakas party sa gagawing national convention sa November 6.
Pinaninindigan ni House Majority Leader Prospero Nograles na ang Con-Ass ang sagot sa mga problemang kinakaharap ng bansa.
"I do not think we can or should lose twice on the same issue as it is needed badly by our country. Time may be against us but we will give it our best shot!" ani Nograles.
Una nang inihayag ni Nograles na ang peoples initiative o Con-Ass, ang siyang pamamaraan na kanilang napipili para sa Chacha at umaasang mananalo sila sa isa sa mga ito.
Binigyan-diin pa nito na mali umano ang oposisyon matapos ihayag na kaya nais ng administrasyon na magkaroon ng Chacha at mabuwag ang Senado ay dahil sa maliit na tiyansa ng mga administration candidates na manalo sa Senate seats batay na rin sa lumabas sa survey.
Umapela naman ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa Kamara na huwag ituloy ang plano nitong i-convert ang sarili bilang Constituent Assembly dahil magmumukhang "lutong macao" dahil mas marami ang miyembro sa Kongreso na maka-administasyon.
Iginiit ng CBCP na kung hindi nito mahihinto ang Chacha train ay pinapanalangin nitong idaan na lamang sa Constitutional Convention ang pagbabago sa Saligang Batas. (May ulat ni Grace dela Cruz)