6 Marines itatakas?

Binabalak umanong itakas ang anim na Marine officers na nasangkot sa standoff noong Pebrero 26 dahilan para iutos ni AFP Chief Hermogenes Esperon Jr. ang paglilipat ng kulungan sa mga ito.

Ayon kay AFP-PIO Chief Lt. Col. Bartolome, inatasan ni Esperon si Navy Chief Vice Admiral Mateo Mayuga na ilipat sina Cols. Ariel Querubin, Orlando de Leon, Januario Caringal at Armando Bañez, at Lt. Cols. Custodio Parcon at Archilles Segumallan mula sa kanilang detention sa Fort Bonifacio patungo sa Fort San Felipe sa Cavite. Ang anim ay iniimbestigahan rin sa bigong kudeta noong Pebrero 24.

Nabatid na nitong Martes ng gabi ay kumalat ang text messages sa mga kampo ng militar na ipinag-utos ni Esperon ang paglilipat sa anim na Marine officer sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal pero tumutol si Mayuga at sinabing sa Fort San Felipe na lamang ang mga ito ipakukulong.

Alinsunod sa Article of War (AW) 70, sinabi ni Bacarro na may kapangyarihan si Mayuga na ipalipat ng kulungan ang anim na mga opisyal lalo na kung nakasalalay rito ay ang usapin ng seguridad.   Ayon kay Bacarro, mas secured sa San Felipe sina Querubin dahil sa matataas ang pader at daragdagan pa ng 20 ang kanilang mga guwardya.

Sina Querubin at Parcon ay pawang Medal of Valor Awardees, ang pinakamataas na military honor na ipinagkakaloob ng AFP sa mga bayaning sundalo.

Samantala, ayon naman sa mga insiders sa Marines nagkakagulo umano sa kanilang hukbo dahilan tutol ang mga ito na ilipat ng kulungan sina Querubin. (Joy Cantos)

Show comments