Sa kasalukuyan ayon kay Marine Spokesman Lt. Col. Ariel Caculitan si 1st Lt. Artemio Raymundo ay kasalukuyang restricted to barracks sa Fort Bonifacio habang iniimbestigahan ng Judge Advocate Generals Office (JAGO).
Ayon kay Caculitan, inirekomenda ni Major Danilo Luna, Commanding Officer ni Raymundo sa Field Artillery Battalion na litisin ito sa GCM sa paglabag sa Article of War 64.
Nilinaw naman ni AFP Public Information Office Lt. Col. Bartolome Bacarro na hindi lamang mismong dahilan sa pamumudmod ng video CDs hinggil sa talambuhay ni Erap ang kasalanan ni Raymundo kaya maisasalang ito sa General Court Martial o sa Navy Separation and Efficiency Board.
Sa kabila umano ng ginawang babala ng superior officer nito na huwag mag-distribute ng CDs ay nagpatuloy pa rin ito at nakipagtalo pa.
"Kinasuhan siya hindi dahil sa pamumudmod ng CDs kundi dahil sa disobedience", dagdag pa ni Bacarro.
Sinabi pa nito na nasa patakaran ng AFP na huwag makisawsaw sa pulitika ang sinumang sundalo.
"Alam naman natin na may political color sa kontrobersiyal na video CDs", dagdag pa nito.
Magugunitang ipinagbawal ng MTRCB ang pagpapalabas ng nasabing dokumentaryo at unang binigyan ito ng triple X rating bago ibinaba sa "X" rating matapos ang ilang apela mula sa hanay ng oposisyon kung saan sinasabing ito ang dahilan kung bakit binigyan lamang ng Senado ng pisong budget ang MTRCB. (Joy Cantos)