Agad rin namang inanunsiyo ni Executive Secretary Eduardo Ermita ang pagkakahirang kay DOTC spokesman Thomas Lantion bilang kapalit ni Bautista habang wala pang kahalili si Lontoc.
Bagaman sinasabi ng Malacañang na isang promosyon kay Bautista ang pagkakatanggal niya sa LTFRB dahil ginawa siyang undersecretary ng DOTC, para sa transport sector ay isa itong maagang pamasko sa kanila.
Una nang nagsampa ng reklamo sa Malacañang ang grupo ng transportasyon dahil sa pagtataas sa singil sa LTFRB ng walang public consultation laluna sa transport sector.
Magugunitang sumama ang rekord ni Bautista sa publiko nang imbestigahan ito ng Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) dahil sa umanoy hindi maipaliwanag na yaman tulad ng pagkakaroon ng magagarang sasakyan tulad ng Jaguar at property umano sa Tagaytay City.
Gayundin, isinumbong ito ng mga empleyado ng LTFRB sa tanggapan ng Ombudsman dahil sa umanoy hindi maayos na pamamalakad sa ahensiya.
Si Lontoc naman ay inirereklamo ng ilang sektor dahil sa patuloy na pagdami ng mga sasakyan na nairerehistro sa LTO kahit mauusok at tumaas na computer fee sa rehistro ng sasakyan at drivers license fee.
Gayunman, nilinaw ni Ermita na ang pagtanggal sa dalawa ay bahagi ng patuloy na pagsasaayos ng Pangulo sa pagpapatakbo ng pamahalaan. (Angie Dela Cruz At Lilia Tolentino)