Ito ang matigas na pahayag kahapon ni Makati City Mayor Jejomar Binay kasabay ng pagbalewala sa 60 days suspension order na inihain sa kanya ng Department of Interior and Local Government (DILG) kaugnay ng kasong katiwalian na isinampa laban sa alkalde na may kinalaman sa ghost employees.
Nakasuot ng army fatigues, inihayag ni Binay sa media na wala siyang balak bumaba sa puwesto dahil politically motivated ang suspension order. Ipinaalala ng alkalde na may nakabinbin siyang mosyon kaya dapat hintayin muna ang desisyon ng Court of Appeals (CA).
"My only fault here is being in the opposition," sabi ni Binay na nagkulong sa city hall kasama ang kanyang mga supporters.
Bandang alas-6:51 ng umaga kahapon nang ihain nina DILG-NCR director Rudy Feraren at DILG Undersec. Wencelito Andanar ang suspension kay Binay, sa bise nitong si Ernesto Mercado at 16 konsehal.
Una rito, maaga pa lang ay nagtayo na ng barikada sa palibot ng Makati City Hall ang mga taga-suporta ni Binay matapos matunugan na nakatakdang isilbi ang suspension.
Bunsod nito kaya nag-deploy agad ng mga sundalo at pulis sa lugar upang pairalin ang peace and order.
Unang dumating sa Makati City Hall para suportahan si Binay sina dating Pangulong Cory Aquino, dating VP Teofisto Guingona at ilang taga-oposisyon.
Sandaling nagkaroon ng tensiyon nang harangin sa pintuan ng mga Binay supporters sina Feraren at Andanar. At para hindi na umano lumala ang tensiyon ay hindi na nagpumilit ang dalawa na personal na maihain sa mayor ang order at idinikit na lamang ito sa haligi ng gusali ng munisipyo saka umalis.
Pansamantalang uupong alkalde ng Makati si Feraren at acting vice mayor si Andanar.
Nag-ugat ang pagsuspinde kina Binay dahil sa reklamo ni dating Makati Vice Mayor Bobby Brillantes na may mga ghost employees umano ang city hall ng lungsod na pinabulaanan ng alkalde.
Maliban kina Binay at Mercado, kabilang din sa mga sinuspinde sina Makati Councilors Erwin Jejomar Binay, Ferdinand Eusebio, Erlinda Gonzales, Ricardo Javier, Ricardo "Rico J" Puno, Monique Lagdameo, Romeo Medina, Ernesto Aspillaga, Israel Cruzado, Elias Tolentino, Divina Jacome, Romana Pangilinan, Nelson Pasia, Nemesio Yabut Jr., Rodolfo Sese at Christine Mercado.
Samantala, inihayag ng Malacañang na walang bahid pulitika at walang favoritism ang pagsuspinde sa alkalde dahil itoy dumaan sa regular na proseso ng batas.
"Trabaho lang, walang personalan," ani Executive Sec. Eduardo Ermita. Normal lamang anya sa isang iniimbestigahang opisyal na ipasailalim sa suspension para hindi maimpluwensiyahan ang isinasagawang pagsisiyasat. (Doris Franche, Lordeth Bonilla At Lilia Tolentino)