Sinabi ni Police region 12 director Chief Supt. German Doria, nangunguna sa talaan ng kanilang kakasuhan ay si Dulmatin na siya ring utak sa Bali bombing noong 2002.
Bukod dito, sasampahan din ng kaso sina Abdul Bashir Usman na umanoy kaalayado ng grupo ni Indonesian bomber Dulmatin at Umar Patek.
Si Usman ang sinasabing inutusan ni Dulmatin na isagawa ang pambobomba sa Central Mindanao batay na rin sa nare-cover na SIM card mula sa isang cellphone na nakakabit sa isang hindi sumabog na bomba noong nakalipas na linggo sa Makilala, North Cotabato.
Sa impormasyon ng pulisya, isang lokal na terorista si Usman pero ayon naman kay North Cotabato Gov. Emmanuel Pinol ay isa itong lehitimong commander ng Moro Islamic Liberation Front at pamangkin ni yumaong MILF chairman Hashim Salamat.
Sa inisyal na ulat ng PNP, mayroon silang saksi na magtuturo na si Usman ang utak sa serye ng pambobomba sa Central Mindanao nitong nakalipas na Okt. 10 at 11 sa Tacurong City, Sultan Kudarat, Makilala at Cotobato City.
May hinala ang pulisya na ganti ito ng mga terorista sa pagkakahuli sa asawa ni Dulmatin na si Oemar Sovie sa Patikul, Sulu noong Oktubre 3. (Joy Cantos)