Ayon sa PAGASA, lahat ng typhoons na dadaan sa bansa sa taong ito ay sina Quadro, Rapido, Sibasib, Tagbanwa, Unman, Venus, Wisik, Yayang at Zeny.
At sakaling may humabol pang mga bagyo na papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR), may reserba o auxiliary list of names ang PAGASA tulad nina Agila, Bagwis, Ciriaco, Diego, Elena, Forte, Gunding, Hunyango, Itoy at Joanna.
Noong 1964 ay mahigit 30 bagyo ang tumama sa bansa kaya laging may reserbang mga pangalan ang PAGASA.
At alam ba ninyo na hanggang taong 2016 ay mayroon na tayong listahan ng mga typhoon na papasok sa bansa?
Noong taong 2000 ay naglunsad ng "Name a Bagyo Contest" ang PAGASA. Sa naturang contest, may 18,000 entries ang sumali, 140 dito ang napili at siyang ginamit mula 2000 hanggang 2016.
At gaya ng napagkasunduan, ang mga pangalan ng mga bagyo na ginamit sa bawat taon ay uulitin tuwing ika-apat na taon.
Halimbawa, ang mga pangalan ng bagyo na dumaan sa bansa sa taong ito ay uulitin sa 2010 at 2014.
Next year ay asahan na ang mga bagyong sina Amang, Batibot, Chedeng, Dedong, Egay, Falcon, Gilas, Harurot, Ineng, Juaning, Kabayan, Lakay, Manang, Nina, Onyok, Pogi, Quiel, Reskas, Sikat, Tisoy, Ursula, Viring, Wang-wang, Yoyoy at Zigsag.
Samantala ang reserbang pangalan sa 2007 ay Abe, Berto, Charing, Danggit, Estoy, Puego, Gening, Hantik, Irog at Joker.
Sa historical records ay pinapakita na ang mga bagyo ay dating ipinapangalan sa mga babae, isang nakaugalian na sinimulan ni Australian weatherman C. Wragge noong 19th century.
Naging popular ang pagbibigay ng pangalan sa mga bagyo at pati Air Force at Navy forecasters sa Amerika ay nagbigay ng pangalan ng kanilang mga asawa at girlfriends.
Noong 1963, nagpatupad ng sistema ng pagbibigay ng pangalan ng bagyo ang Philippine Weather Bureau. Lahat ng palayaw ng babae na nagtatapos sa "ng" mula A to Y ang gagamitin.
Subalit ngayon ay wala nang gender-biased sa bagyo dahil may mga lalaki na ring bagyo.