Ayon kay PNP spokesman Sr. Supt. Samuel Pagdilao, namatay kamakalawa si Joe Allan Mark "Jam Jam" Mendoza. Ang bangkay ni Jam Jam ay nakalagak ngayon sa PNP Mortuary Chapel sa Camp Crame at binigyan ng full honor gaya ng isang bayani ng bayan.
Matatandaang noong 2003, sa ilalim ng "Make A-Wish Foundation" ay isa si Jam Jam sa 100,000 kahilingan na mapalad na napagbigyan.
"The wish of Joe Allan to become a policeman is altogether touching, meaningful and inspiring for all of us in the PNP. The PNP welcomes the privilege of having touch the life of a child, just as he touched ours," ani Pagdilao.
Sa kanyang tour of duty sa PNP noong 2003 ay naranasan ni Jam Jam na umangkas sa police motorcycle, sumama sa visibility patrol lulan ng squad car at umupo sa police communication network sa Camp Crame na nakalaan lamang para sa PNP Chief, gayundin ang mag-upisina ng isang araw sa tanggapan ni nooy PNP Chief Director Gen. Hermogenes Ebdane Jr.
Ipinahatid naman nina Leo at Rosario Mendoza, mga magulang ng bata, ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa pagpapaunlak ng PNP sa "dying wish" ng kanilang anak. (Joy Cantos)