Kinilala ni PNP Chief Director Gen. Oscar Calderon ang mga nasakoteng suspek na sina Michael Viado, Michael Quitalig alyas Bembol, Raymon Perez at Joel Villanueva.
Si Viado ang lider ng bagong sibol na Magic Group robbery/holdup gang na sangkot sa mga kaso ng petty crimes partikular ang shoplifting at cellphone snatching.
Nahuli ang apat matapos i-tip sa pulisya ng mismong mga magulang ni Bembol ang posibleng partisipasyon ng kanilang anak sa karumal-dumal na pagpaslang sa obispo.
"Evidence gathered, including the retrieval of the victims ring and DVD player from the suspects, indicate that the case is robbery with homicide, and it was incidental that the victim is Bishop Ramneto," pahayag ni Supt. Rudy Lacatin, hepe ng Tarlac City Police.
Kasabay nito, inihayag ni Tarlac Provincial Police Director Sr. Supt. Nicanor Bartolome na pagnanakaw ang motibo ng krimen taliwas sa paratang ng militanteng grupo na may bahid ng pulitika ang insidente.
Sa interogasyon ay inamin ng mga suspek ang pagpatay sa obispo noong Oktubre 3. Ang biktima ay natagpuang tadtad ng saksak sa ibat ibang bahagi ng kanyang katawan sa tinutuluyang kumbento sa lungsod.
Inihahanda na ang kasong kriminal laban sa mga salarin. (Joy Cantos)