Sa report na nakarating sa tanggapan ni PNP Chief Director Gen. Oscar Calderon, nadakip ng Indonesian authorities si Elmer Abram alyas Elmer Emran, tubong Gensan at pangunahing suspek sa pambobomba sa isang shopping center sa General Santos City noong Pebrero 14, 2005. Tatlo katao ang namatay dito at 40 ang sugatan.
Ayon kay Senior Supt. Willy Dangane, hepe ng Police Regional Office 12 Intelligence Division, naaresto si Abram sa Manado, Indonesia noong Lunes at agad na ipinagbigay-alam sa PNP ng Indonesian Police ang pagkakaaresto rito alinsunod sa umiiral na ugnayan ng Pilipinas sa mga kalapit na bansa sa Asya sa giyera kontra terorismo.
Ang pambobomba sa Gensan ay bahagi ng inilunsad na serye ng pag-atake sa mga lungsod ng General Santos, Davao at Makati noong 2005 Valentines Day. Umabot sa walo katao ang nasawi at mahigit 150 ang sugatan.
Una nang nahuli sina Gamal Baharan alyas Tapay at Angelo Trinidad alyas Abu Khalil Trinidad, pawang kasama ni Abram. (Joy Cantos)