Importer ng used oil kinasuhan na ng DENR sa DOJ

Kinasuhan na rin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Department of Justice (DOJ) ang consignee-importer at may-ari ng barge at tugboat na umano’y natangkang magpuslit ng mapanganib na used oil mula sa Palau na idadaan sana sa Port of Surigao.

Ayon kay National Anti-Environment Crime Task Force (NAECTAF) deputy Chief at DENR Undersecretary Roy Kyamko, sinampahan ng kasong kriminal ang Powerzone Petroleum Products Corp, OSM Phils Shipping Inc. at Goldmarks Sea Carriers Inc. dahil sa umano’y paglabag sa RA 6969 o kilala sa tawag na Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990.

Ang Power Zone Petroleum ay sinasabing importer ng used oil habang ang Goldmarks Sea Carriers at OSM Philippines ang sinasabing mga owners ng barge BG Cheryll Ann at tugboat MT Jacob 1 na umano’y ginamit sa naunsyaming illegal shipment.

Sinabi ni Kyamko, ang shipment, ang barge at tug boat ay kasalukuyan nasa custody ng NAECTAF sa Surigao City matapos mahuli ng mga tauhan dito.

Ayon pa kay Kyamko, pinag-aaralan na ng EMB kung ang used oil samples na nakuha dito ay nagtataglay ng PolyChlorinated Biphenyl (PCB), isang hazardous chemical. (Angie dela Cruz)

Show comments