Batay sa 52-pahinang supplemental decision ng Ombudsman, binaligtad nito at isinantabi ang resolusyong ipinalabas noong Hunyo 28 na naglalaman ng resulta ng imbestigasyon na maaaring gamitin ng Kamara upang mapatalsik si Comelec Commissioner Ressureccion Borra.
Naunang inirekomenda ng Ombudsman ang pagpapataw ng parusang dismissal at kanselasyon ng eligibility, forfeiture ng retirement benefits at perpetual disqualification sa government service kina Director IV Eduardo Mejos, finance service department; Comelec bids and awards committee chairman at BAC members na sina Atty. Jose Balbuena Jr., director IV ng Law Department; Lamberto Llamas, director IV ng planning dept.; Atty. Bartolome Sinocruz, director IV ng election at barangay affairs dept.; at Gideon de Guzman, director III ng finance services.
Inirekomenda din ang paghahain ng kasong paglabag sa anti-graft and corrupt practices act laban sa nasabing mga Comelec officials dahil sa pakikipagsabwatan umano ng mga ito kina Willy Yu, Enrique Transipek, Rosita Transipek, Pedro Tan, Johnson Fong, Bernard Fong at Lariano Barios ng Mega Pacific.
Gayunman, inirekomenda din sa resolusyon ang muling imbestigasyon laban sa nasabing mga indibidwal na posibleng sangkot sa kaso.
Napag-alaman na napatunayan ang Mega Pacific Consortium na nagsumite naman ng 200 dokumento na tinimbang naman ng Bids and Awards Committee kung saan nakitang legal ang financial at technical capability nito upang makasali sa bidding.
Dahil dito, inirekomenda ng Ombudsman na baligtarin ang naunang resolusyon nito bunga na rin ng pagkakaroon ng probable cause upang ibasura ang kaso laban sa naturang mga opisyal. (Doris Franche)