Renewal ng passport giit gawing 10 yrs.

Upang hindi maging magastos ang pagre-renew ng mga pasaporte, mula sa kasalukuyang limang taon na validity ng Philippine passport, nais ng ilang kongresista na gawin itong 10 taon.

Ayon kay Western Samar Rep. Catalino Figueroa, isa sa mga nagsusulong ng panukala na amyendahan ang Republic Act 8239 o Philippine Passport Act of 1996, kung mai-extend ang validity ng Philippine passport, hindi na kailangan pang mag-renew tuwing ika-5 taon ng mga may hawak ng pasaporte.

Pero tutol ang Department of Foreign Affairs sa panukalang ito dahil sa "security reasons." Ipinaliwanag ni DFA Undersecretary Franklin Ebdalin na sa loob ng 10 taon, nagkakaroon ng pagbabago sa "biometric features" ng isang passport applicant kaya hindi dapat pahabain ang validity ng passport. Magkakaroon na rin umano ng bagong teknolohiya sa pagpoproseso kaya mas mapapaikli na ang oras at mas mura ang pagkuha ng mga bagong pasaporte.

Nangangamba naman si Tawi-Tawi Rep. Nur Jaafar na kung gagawing 10 taon ang validity ng Philippine passport, maaapektuhan ang revenue collections ng DFA dahil mas liliit ang makokolekta nila sa mga magre-renew ng mga pasaporte.

Pero naniniwala si Figueroa na malaki ang maitutulong sa mga mamamayan kung mapapahaba ang validity ng passport kaya iginigiit pa rin niya ang panukala sa susunod na pagdinig ng komite.

Show comments