Ang kaso ay may kinalaman sa umanoy iregularidad na pagbili ng mga gamit sa opisina na nagkakahalaga ng P232 milyon mula 1999 hanggang 2001. Si dating Vice Mayor Roberto "Bobby" Brillante ang nagsampa ng reklamo.
Ayon sa Commission on Audit (COA) team, nadiskubre nila na dahil sa naturang iregularidad, nag-overprice ng mahigit P53 milyon at may excessive purchases pa na kabuuang higit sa P50 milyon na nagresulta sa pagkawala ng halagang nasa P110 milyon ng pamahalaan.
Bukod sa mag-asawang Binay, kasama rin sa kaso si dating Makati City Councilor Salvador Pangilinan, City Administrator Nicanor Santiago Jr., dating City Treasurer Luz Yamane, Gen. Service Dept. Chief Ernesto Aspillaga, Li Yee Shing, Jason Li at Vivian Edurise, pawang corporate officers ng Office Gallery International Inc.; Beda Aquino, Chief Executive Officer at Bernadeth Aquino, corporate officer ng Asia Concept International Inc. at iba pa na kinasuhan ng paglabag sa Sec. 3(e) ng R.A. 3019 o anti-graft at corrupt practices act.
Tinawag namang harassment ni Binay ang naturang hakbang laban sa kanya.
Matatandaan na matapos masuspinde si Trinidad ay inihayag ni Binay na siya na ang susunod dahil iniisa-isa na umano ng gobyerno ang mga taga-oposisyon na kumakalaban sa administrasyon. (Angie Dela Cruz at Lordeth Bonilla)