Pro-Chacha asang papaboran ng SC

Nagpahayag ng pag-asa ang ilang kongresista na papabor sa Chacha ang mga mahistrado at pagbibigyan ang petisyong humihiling na isagawa sa pamamagitan ng people’s initiative ang pagbabago ng porma ng gobyerno.

Tiwala si House Deputy Majority Leader Antonio Cerilles na bibigyang importansiya ng Supreme Court ang kapangyarihan ng taumbayan na magpanukala nang pagbabago sa sistema ng pamahalaan.

Sinabi pa ni Cerilles na bagama’t nasa kamay ng mga mahistrado ang huling pagpapasya hinggil sa legalidad ng people’s initiative, sigurado naman aniyang mahusay na maipagtatanggol ng mga nagsusulong sa pagbabago ang kanilang argumento.

Dapat aniyang mahikayat ng mga nagsusulong sa people’s initiative ang mga mahistrado upang muling pag-aralan ang naunang desisyon na nagbabasura sa inisyatiba ng taumbayan.

Tiwala naman ang militanteng grupong Gabriela na ibabasura ng Korte ang petisyon tulad ng mga nauna na nitong ginawang pagdeklara bilang unconstitutional sa ilang mapanupil na polisiya ng gobyernong Arroyo.

Ayon kay Emmi de Jesus, pangkalahatang kalihim ng grupo, ang people’s initiative ay isang misnomer o isang paggamit ng maling pangalan na hindi tunay na kumakatawan sa tinig ng nakararaming mamamayang Pilipino.

Naniniwala ang grupo na ang mga taong nasa likod ng mga grupong ULAP at Sigaw ng Bayan ay mga kasapakat lamang ni Pangulong Arroyo at katulad rin niya ang mga pag-iisip at kapareho umanong sinungaling.

Sinabi pa ni de Jesus na hindi magbibigay ng ginhawa sa mamamayan mula sa kalunus-lunos na kalagayan ang Cha-cha at sa halip ay palalalain lamang umano nito ang kahirapang dinaranas ng nakararami. (Malou Escudero)

Show comments