Bills sa pag-amyenda sa ‘Initiative’ Act nakalilito

Tinawag na "superflous legislation" o labis-labis na pagbabatas ni University of Baguio Law Dean Daniel Fariñas ang lahat ng pending bills sa Kongreso na nagtatangkang amyendahan ang Republic Act 6735 o ang People’s Initiative Act.

Sinabi ni Fariñas, kaya hindi idineklara ng Supreme Court na "unconstitutional" o labag sa Konstitusyon ang RA 6735 sapagkat ito ay nakalimbag na sa 1987 Saligang Batas. Ang mga pending bills, aniya, kahit aprubahan ng Kongreso, ay hindi kayang palitan ang sustansiya ng People’s Initiative. Hindi rin ito kaparis ng sapin-saping mga batas na kahalintulad sa penal legislation practices.

Kinontra ng UB Law dean ang argumento ng oposisyon na ang People’s Initiative ay nasa kamay na ng Kongreso at wala na sa hurisdiksiyon ng Korte Suprema, bunga umano ng pitong bills na inihain sa Senado at Mababang Kapulungan upang magkaroon ng enabling law ang People’s Initiative.

Hiningi nina Raul Lambino ng Sigaw ng Bayan at Bohol Gov. Erico Aumentado ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), kasama ang 6.3 million verified voters, sa Supreme Court na baligtarin ang pagbasura ng Comelec sa kanilang People’s Initiative petition. Sabi ni Fariñas, kapag maraming batas ang sumususog sa pag-amyenda, sila ay pinagsasama at pinag-iisa. Kung ang pending bills ay maging batas, sila ang magpapatibay sa People’s Initiative Law. (Malou Escudero)

Show comments