Camp Aguinaldo ibebenta na!

Planong ibenta ng mga opisyal ng Defense at military establishment ang mga kampo sa bansa kabilang ang AFP General Headquarters sa Camp Aguinaldo upang makalikom ng pondo para sa modernisasyon ng Hukbong Sandatahan.

Ang pahayag ay kasunod ng pag-apela sa Kongreso ni Defense Secretary Avelino Cruz Jr. na mapagkalooban siya ng kapangyarihan upang maibenta o paupahan ang lupaing nasasakupan ng mga kampo militar sa ilalim ng National Defense Act.

Nabatid kay AFP Chief of Staff Gen. Hermogenes Esperon Jr. na madali nang maibebenta sa halagang P50-M ang 178-ektaryang lupain na nasasakupan ng Camp Aguinaldo.

Nilinaw ni Cruz, ang nasabing plano ay kasalukuyang nasa planning stage pa lamang at masusi pang pinag-aaralan.

Ang AFP ay may 16 military camp sa buong Pilipinas at partikular din nilang tinututukan ang Fort Magsaysay sa Laur, Nueva Ecija na siyang hinihimpilan ng elite Army troops, upang i-convert at gawing agricultural fields.

Tumanggi namang ihayag ng Defense Department at AFP kung magkano ang tinatayang malilikom na salapi sa pagbebenta o pagpapaupa sa mga pag-aaring kampo ng AFP.

Nagkukumahog ngayon ang Defense Department sa pangangalap ng pondo upang maisakatuparan ang inilatag na Philippine Defense Reform (PDR) na pinasimulan noong kalagitnaan ng taong 2004. Ang gobyerno ay naglalaan ng P10 bilyon kada taon upang maisakatuparan ang umano’y kinakailangang modernisasyon sa AFP.

"What we need now is not new camps. We need basic equipment for our squads," ani Esperon .

Napag-alaman na pinaplano ng DND at AFP na ilagay na lamang sa isang lugar ang General Headquarters kasama ang lahat ng kanilang major sevice command, Army, Navy, Air Force kahalintulad sa Pentagon Defense Department ng Estados Unidos.

Ayon kay Esperon sakaling matuloy ang plano, prayoridad pa rin nila na ilipat ang kanilang mga kampo sa paligid ng Metro Manila o karatig lalawigan gaya sa Lipa, Batangas, sa Lucena sa Southern Luzon o kaya ay sa Clark Air Field sa Angeles City sa Central Luzon. (Joy Cantos )

Show comments