"Magpaliwanag lamang sila ng konti kapag humarap sila at sabihin na hindi sila makaharap dahil yun ang sinabi sa kanila. Sasabihin ko lamang sa kanila na okay, next time dont do that at humarap kayong lahat. Puwede na sila makauwi pagkatapos nun," wika ni Sen. Gordon, chairman ng senate committee on government corporations and public enterprises.
Ang iba pang PCGG Commissioners na pinaghahanap ay sina Ricardo Abcede, Nicasio Conti, Narciso Nario at Tereso Javier gayundin ang mga opisyal ng PHC na sina PHC chairman Benito Araneta; vice-president at director Philip Brodet; treasurer at CFO Manuel Andal; director Julio Jalandoni at PHC director Atty. Luis Lokin Jr. na asawa ni dating CIBAC partylist Rep. Kim Bernardo-Lokin.
Nairita naman si Gordon kay Abcede dahil sa patuloy na pagbatikos nito sa Senado sa pamamagitan ng mga TV interview kasabay ang pagyayabang sa nagawa nito sa PCGG.
Wika pa ng mambabatas, kung talagang wala silang nagawang pagkakamali sa kanilang paniniwala ay dapat lumabas sila at humarap sa Senado dahil ang patuloy nilang pagtatago ay nangangahulugan lamang na mayroon silang "itinatago"? sa publiko.
Kahapon ay bumalik na rin sa Senado si PCGG chairman Camilo Sabio matapos sumailalim sa medical check-up. (Rudy Andal)