"He (Palparan) did not show up. He was not available," pahayag ni Chief State Prosecutor Jovencito Zuño, miyembro ng komisyon na pinamumunuan ni ret. Supreme Court Chief Justice Jose Melo.
Sinabi ni Zuño na naipadala na nila ang summon kay Palparan bago pa man ito magretiro sa serbisyo nitong nakalipas na Setyembre 11 bilang Army commander.
Inihayag ni Zuño na muling magpapatuloy ang pagdinig ng komisyon sa sandaling handa na si Palparan na ilahad ang kaniyang panig sa mga paratang na ito ang mastermind sa maraming insidente ng mga pagpatay laban sa hanay ng militanteng grupo.
Base sa alegasyon ng human rights groups, noong aktibo pa sa serbisyo si Palparan kahit saan ito matalaga ay maraming pinapaslang sa kanilang mga opisyal at miyembro.
Noong commander pa si Palparan ng Armys 204th Brigade na nakabase sa Naujan, Oriental Mindoro noong 2003 ay inakusahan ito ng pagpatay sa dalawang human rights activist na sina Eden Marcillana at Eddie Gumanoy.
May 71 militante naman umano ang napatay nang matalaga si Palparan bilang commander ng Armys 7th ID sa Central Luzon simula Setyembre 2005 hanggang Agosto 11 ng taong ito.
Mas naging kontrobersyal naman ang heneral sa pagpapatupad ng cedula campaign kaugnay na rin ng misyong wakasan na ng AFP at ng PNP ang communist insurgency sa loob ng dalawang taong palugit ng gobyerno. (Joy Cantos)