Sabio ayaw lumaya

Ayaw pa rin umuwi ngayon ni PCGG Chairman Camilo Sabio sa kabila ng pagpapalaya sa kanya ng Senado para masuri ang kanyang kalusugan sa Makati Medical Center para sa kanyang executive check-up.

Sinabi ni Sabio, na may petition pa na nakabinbin sa Korte Suprema at hihintayin niya ang desisyon nito bago siya gumawa ng kanyang hakbang.

Pumayag ang Senado na pauwiin si Sabio sa kundisyon na guwardyado ito ng mga kagawad ng Office of the Senate Sergeant at Arms (OSSAA) 24-oras at kailangang dumalo siya sa isasagawang pagdinig ng Mataas na Kapulungan.

Idinagdag ni Sabio na tutungo siya ngayon sa Makati Medical Center para sa kanyang executive check-up pero babalik siya sa Senado at hihintayin ang magiging desisyon ng Korte Suprema sa petisyon na inihain ng kanyang kampo.

Ayon kay Sen. Richard Gordon, chairman ng senate committee on government corporations and public enterprises, pinayagan na ng Senado na makauwi si chairman Sabio o tumuloy sa Makati Medical Center para sa kanyang executive check-up sa kondisyon na babantayan ito ng senate security 24-oras.

Aniya, mayroong liham sa komite si J. Ermin Ernest Louie Miguel, petitioner-relation para sa petisyong Habeas Corpus para kay Sabio, kung saan ay hinihiling na payagang makalabas ng Senado ang PCGG chief para sa executive medical check-up nito sa Sept 19-20.

Walang pagtutol ang komite sa kahilingan ni Sabio lalo na kung may kinalaman ito sa kalusugan ng PCGG chief na hindi pa rin naging stable ang kanyang blood pressure matapos itong arestuhin ng Senado sa bisa ng warrant of arrest noong Sept 12 sa PCGG office.

Aniya, dapat siguruhin lamang ng PCGG chief na dadalo ito sa susunod na mga pagdinig ng Senado kaugnay sa isyu ng Philcomsat at Philcomsat Holdings Corporation (PHC) kundi ay panibagong contempt ang kanyang kakaharapin.

Sinabi ni Retired Col. Jaime Dimacali, chief ng security operations ng OSSAA, 4 na security personnel ang itatalaga ng kanilang opisina kay Sabio upang bantayan ito ng 24-oras.

Pinaghahanap pa rin ng mga tauhan ni Maj. Gen. Jose Balajadia (Ret.), Senate sergeant at arms, ang iba pang PCGG Commissioners na sina Ricardo Abcede, Nicasio Conti , Narciso Nario at Tereso Javier gayundin ang mga opisyal ng PHC na sina PHC chairman Benito Araneta; vice-president at director Philip Brodet; treasurer at CFO Manuel Andal; director Julio Jalandoni at PHC director Atty. Luis Lokin Jr. na asawa ni dating CIBAC partylist Rep. Kim Bernardo-Lokin na mayroong warrant of arrest ng Senado. (Rudy Andal)

Show comments