Ikinagalit ni Justice Sec. Raul Gonzalez ang bintang ng ina ni Nicole na si Susan na kinausap siya kamakailan ni prosecutor Emelie delos Santos upang pumayag na lamang sa areglo sa kaso.
Ayon kay Gonzalez, hindi dapat inuugnay ang Subic rape sa pagkakapiit ni Bolante sa US dahil walang dahilan upang makisawsaw ang DOJ lalo na ang mga piskal sa isyu kay Bolante.
Sa pahayag ni Susan, nagbabala pa umano sa kanya ang piskal na kapag hindi sila nakipag-areglo ay baka maging kapalit ito ng kasong kinasasangkutan ngayon ni Bolante sa US. Dahil sa hinala na ibinebenta ang kaso ni Nicole, nag-walk out ang mga ito sa hearing noong Huwebes kasabay ng kanilang panawagan kay Gonzalez na palitan ang kanilang mga abugado.
Hindi naman naniniwala ang mga senador na ihuhulog ng government prosecutors ang kontrobersyal na Subic rape case.
Ayon kina Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. at Sen. Richard Gordon, mahirap paniwalaan ang bintang ng ina ni Nicole na pinipilit silang ipa-areglo ang kaso kapalit ng kaso ni Bolante sa US. "I think hindi ganyan mag-operate ang Amerikano," ani Gordon.
Naniniwala naman si Gordon na hindi rin makakatulong sa pamilya ng biktima ang pagpapalit ng abugado dahil umupo na si Nicole sa witness stand at nakapagbigay na rin sila ng ebidensiya. (Grace dela Cruz/Rudy Andal)