Sinimulan dakong 12:01 ng madaling-araw ng mga small oil players na kinabibilangan ng UniOil, SeaOil at Flying V ang pagbabawas ng P.50 sentimos kada litro sa kanilang produktong gasolina, kerosene at diesel habang sinundan naman ito ng "Big 3" na kinabibilangan ng Shell, Petron Corp. at Chevron (dating Caltex) dakong alas-6 ng umaga sa kaparehas na halaga.
Una nang inihayag ng Department of Energy (DoE) na makakaasa ang publiko ng sunud-sunod na rolbak sa presyo ng petrolyo sa mga darating na araw dahil sa pagbaba ng presyo nito sa pandaigdigang pamilihan,
Sinabi ni DOE Director Zenaida Monsada na ang pagbaba ng presyo ng langis sa world market nitong buwan ng Agosto at Setyembre ay magandang senyales na may sapat na supply ng langis at makaasang walang pagtataas na magaganap sa Disyembre kung saan malakas ang demand sa buong mundo.
Sa ngayon ay nanatili pa ring mataas ang presyo ng LPG ngunit inaasahan din na bababa sa mga susunod na buwan bagamat wala pang aasahang rolback dito.
Bukod sa rolbak ay patuloy pa rin ang ibibigay na P1 diskuwento kada litro ng mga kompanya ng langis sa mga pampasaherong dyip at bus bilang tulong sa grupo ng transportasyon. (Edwin Balasa)