LPG sa mga taxi suportado ng LTO

Suportado ng Land Transportation Office (LTO) ang paggamit ng mga taxi unit ng liquified petroleum gas (LPG) sa operasyon ng sasakyan sa bansa.

Ayon kay Engr. Joel Donato, hepe ng North Motor Vehicle Inspection Section ng LTO base sa kanilang pagsusuri sa mga sasakyang gamit ang LPG, higit pang bumilis ang takbo ng sasakyan.

Bukod dito, ligtas anya sa kalusugan ng tao ang LPG tank na gamit ng mga taxi dahil selyado naman itong mabuti at talagang ginawa ito para lamang sa mga pampasaherong sasakyan.

Sinabi rin ni Donato na hindi naman papasa sa pagkilatis ng DOTC, DTI, Energy department at Bureau of Product Standards kung may epektong dulot sa kapaligiran at kalusugan ang LPG.

Taong 1995 pa anya ay gamit na ng ilang sasakyan ang LPG dahil sa mas malaking katipiran ito pag ginamit.

Dumami na lamang anya ang gumagamit nito sa kasalukuyan dahilan na rin sa patuloy na pagtaas ng halaga ng produktong petrolyo. (Angie dela Cruz)

Show comments