Natitirang langis sa Solar 1 sisipsipin na lang

Inirekomenda kahapon na sipsipin na lamang ang natitira pang milyong litro ng bunker fuel mula sa lumubog na MT Solar 1 na nagdulot ng oil spill sa Guimaras island at iba pang lugar sa Central Visayas.

Ito ang inihayag kahapon ni National Disaster Coordinating Council (NDCC) Chairman at Defense Secretary Avelino Cruz Jr. base sa napagkasunduang desisyon matapos na matagpuan na ang lumubog na tanker.

Ayon kay Joe Nichols, kinatawan ng International Oil Pollution Compensation, na tatagal pa ng isang linggo bago desisyunan ng IOPC ang pagsisipsip sa nalalabi pang bunker fuel at kung magkano ang halagang gugugulin para rito. Ang IOPC ay isang pandaigdigang organisasyon ng kumpanya ng mga petrolyo.

Nabatid na may 1.3 milyon pang litro mula sa tumagas na dalawang milyong litro ng langis ng Solar 1 ang kailangan pang makuha sa pamamagitan ng pagsipsip na tinatayang tatagal ng 20 araw at kung puno pa ang tangke ay maaaring umabot naman ng 45 pang araw.

Sinabi ni Cruz na sakaling magdesisyon ang IOPC na sipsipin na lamang ang nalalabing bunker fuel ay maaaring tumagal pa ng ilang linggo bago isagawa ang nasabing plano.

Ang Petron Corp. ang nagmamay-ari ng ibiniyaheng bunker fuel ng Solar 1 na miyembro naman ng IOPC. (Joy Cantos)

Show comments