TRO sa NAIA 3 inalis na!

Maaari nang i-takeover ng pamahalaan ang pagpapatakbo sa kontrobersiyal na Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos alisin ng Court of Appeals (CA) ang ipinataw nitong temporary restraining order (TRO) na sumuspinde sa pag-okupa ng gobyerno sa naturang paliparan.

Kinumpirma ni Executive Secretary Eduardo Ermita na may lifting order na sa TRO. "Yesterday, I received a call from the Solicitor General and he informed me that the TRO issued by the CA had been lifted," ani Ermita.

Inaasahan naman na bukas, araw ng Lunes ay babayaran na ng gobyerno ang P3 bilyong initial compensation para sa Philippine International Air Terminals Company (PIATCO), ang nagtayo ng NAIA 3.

Una nang hinarang sa CA ang pagbabayad ng gobyerno sa Piatco matapos maghain ng petisyon si Ilocos Sur Rep. Salacnib Baterina kaugnay dito.

Inatasan na ni Pangulong Arroyo si Airport manager Alfonso Cusi na bilisan ang pagkumpeto sa mga dapat pang gawing instalasyon sa paliparan para matuloy na ang pagbubukas nito sa publiko sa susunod na taon.

"We are hoping to be able to have the systems operational before the end of the year. Kinakailangang mayroong test run of all the systems and hopefully early next year full opening. I don’t want to make any date," sabi pa ng Pangulo. (Lilia Tolentino At Ludy Bermudo)

Show comments