Inalis sa puwesto si Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Salvador Pleyto matapos mapatunayan ng Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) na nagsinungaling ito sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) nang hindi nito isama sa nakalipas na 10 taon ang kita ng kanyang misis sa negosyo nitong laundry and dry cleaning, pawnshop, piggery at poultry farm.
Ayon kay PAGC Chairman Constancia de Guzman, ibinasura nito ang mosyon ni Pleyto na humihiling na bigyang konsiderasyon ang kanyang kaso.
Nakasaad sa mosyon na dapat daw itinuring na hindi kumpleto ang kanyang SALN sa loob ng 10 taon at dapat din daw na ipinatawag muna siya para maiwasto ang deklarayon.
Sinabi ni de Guzman na ang kabiguan ng sinumang kawani na magsumite ng tamang SALN ay isang malinaw na paglabag sa batas.
Nilabag ni Pleyto ang Section 8 ng RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials Employees at Sec. 7 ng RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Nakatakdang kumpiskahin ng gobyerno ang mga benepisyong dapat makuha ni Pleyto at hindi na rin siya maaari pang makapasok sa anumang opisina ng pamahalaan.
Siyam pang opisyal ang inirekomenda rin ng PAGC na tanggalin sa puwesto pero wala pang kumpirmasyon ng Office of the President.