Operasyon ng NAIA 3 matatagalan

Lalo pang matatagalan ang operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos na bawiin ng Office of the Solicitor General (OSG) ang motion nito na nagnanais na alisin ang temporary restraining order (TRO) na ipinataw ng korte rito.

Sa ginanap na oral argument sa Court of Appeals (CA) 8th Division, binatikos ni Atty. Jose Bernas, abogado ni Ilocos Sur Rep. Salacnib Baterina ang nasabing hakbang ng OSG sa pamamagitan ni Asst. Solicitor General Marilyn Aturia.

Sinabi pa ni Bernas na dapat umanong hinintay na lamang muna ng gobyerno na pagbigyan ng CA ang pag-uurong ng kanilang "urgent motion to lift TRO" bago tuluyang tumakbo sa Supreme Court dahil nagmumukha itong forum shopping.

Kung hindi umano ginawa ng gobyerno ang nasabing hakbang ay malaki ang posibilidad na maresolbahan na ito ng CA.

Kasabay nito, giniit muli ni Bernas na mali ang isinusulong na expropriation ng pamahalaan para makuha ang NAIA 3 dahil nangangahulugan ito na babayaran ng gobyerno ng P3 bilyon ang PIATCO kung saan kasama rito pati na ang pagkalugi bunga nang hindi pagiging operational ng paliparan. (Grace dela Cruz)

Show comments