Pinoy seaman inaresto sa pagpatay sa Malaysia

Isang tripulanteng Pinoy ang inaresto ng Malaysian Police nang pagsasaksakin at mapatay umano nito ang kasamahang isang Russian engineer matapos ang kanilang matinding pag-aaway sa loob ng isang barko, ayon sa report kahapon.

Kasalukuyan nang kinukumpirma ng Embahada ng Pilipinas sa Klang Police Station sa Kuala Lumpur ang insidente at ang pagkakakilanlan ng isinasangkot na 38-anyos na Pinoy seaman sa pagpatay sa 39-anyos na Russian second engineer na nakilala lamang sa pangalang Sharonov.

Ayon sa New Sunday Times, ang pagpatay ay naganap nitong Martes habang naglalayag ang MV Theodore Storm sa karagatang sakop ng western Kuala Lumpur mula Australia.

Nabatid na maraming mga crew ng nasabing barko ang nakarinig umano ng matinding pagtatalo ng nasabing Pinoy seaman at Russian engineer sa loob ng smoking room.

Ayon pa sa report, ilang sandali pa ay nakita ng mga crew ang biktima, na nakandusay sa sahig at duguan.

Agad namang dinala sa istasyon ng pulisya ang naturang Pinoy nitong Sabado ng hapon matapos na dumaong ang barko sa Port Klang. (Ellen Fernando)

Show comments