Ito ang inamin ni Sen. Estrada nang kapanayamin ito ng himpilang DWIZ kahapon upang kumustahin sa nalalapit nitong pagtakbo sa darating na eleksyon.
Ayon sa senadora, kahit na nagdesisyon na siyang tumakbo mula sa darating na halalan ay ang kanyang asawa pa rin ang magbibigay ng pinal na desisyon kung patatakbuhin ito o hindi.
Ipinaliwanag pa nito na ang dating Pangulo ang siyang pumipili kung sino sa mga kandidato ng oposisyon ang isasama sa senatorial line-up.
"Kapag ganyang usapan, isa lang ang sinusunod namin, si President Erap. Sa ngayon wala pa eh," sagot ng senadora sa tanong kung binasbasan na ang kanyang pagtakbo. Nauna rito ay inihayag na ni JV Ejercito ang kanyang kahandaan na umatras sa senatorial elections upang bigyang-daan ang kandidatura ni Sen. Estrada.
Ngunit ayon sa impormante, posible pang magbago ang desisyon ni JV dahil pumapayagpag ito sa survey kung saan nalamangan pa nito ang doktora.
Sa survey ng Pulse Asia noong Hulyo, si JV ay pumasok sa top 12 nang makakuha ng 23.8 percent samantalang si Sen. Estrada ay nakakuha lamang ng 21.7%.
Dahil sa napipintong pagtakbo ng dalawa, namomroblema umano ngayon ang dating Pangulo kung sino ang susuportahan sa eleksyon.
Kung magsasawalang-kibo lamang si Erap at parehong tumakbo ang dalawa, argrabyado umano dito si JV dahil ang botong makukuha nito na isusulat lamang sa apelyidong Ejercito ay maaaring mapunta o maibilang kay Dra. Loi Estrada, alinsunod sa prinsipyong "equity of the incumbent."