Sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), sinabi ng mga surveyor buhat sa Shin Shei Maru na nadiskubre ang mga sira matapos na ikalawang beses na pag-aaral ng ROV sa lumubog na tanker. Nadiskubre rin na nakabukas na ang "compartment 4" ng tanker na siyang pinagmulan ng langis na tumagas sa dagat.
Tinataya ng PCG na mahigit 500,000 litro na ng langis ang tumagas sa karagatan ng Panay Gulf ngunit naglalaman lamang umano ang bawat compartment ng tanker ng 200,000 litro.
Dahil dito, nagmamadali na ngayon ang mga eksperto sa pag-aaral kung paano maiaahon sa ilalim ng dagat ang naturang tanker bago tuluyang pumutok ang mga tangke. Kung diretsong iaahon ang tanker, maaari umanong mawasak ito dahil sa air pressure sa ilalim ng dagat. Kung sisipsipin naman muna ang laman na langis, problema pa ngayon ng Petron kung anong equipment at kung saan kukuha nito. (Danilo Garcia)